Isang Minutong Smile Day na naman. Ilang mga kabataan na naman ang masisilayan ang matatamis na ngiti sa kanilang mga labi. Noong una, binabasa ko lamang sa blogsite ng aking kaibigan ang tungkol sa proyektong ito. Nakakagaan ng damdamin ang malaman na may ibang mga tao na nagmamalasakit at tumutulong sa mga kabataang kapuspalad. Matagal ko na ding gustong maging bahagi ng ganitong gawain, pero hindi ko alam kung paano magsisimula. Kaya ayun, nagkakasya na lang ako sa pagbabasa at naghihintay ng pagkakataong makatulong din sa iba.
At ito na nga, sa ilang pag uusap naming ng mismong author at founder ng Isang Minutong Smile, ay nabigyan ako ng pagkakataong gawin ang matagal ko ng inaasam, ang maghatid ng ngiti sa mga taong tila ba nalimutan na ng tadhana. Noong una ay inisip ko lamang na magbigay ng kaunting halaga na manggagaling sa aking sariling bulsa. Pero ng lumaon ay napagpasyahan kong palawakin pa ang kampanya, para na din sa ilang mga kababayang nais ding ibahagi ang mga pagpapalang natatanggap nila.
Sa pamamagitan ng grupong Fil Mo DHA, na binuo ko sa Facebook, natipon ko pa ang iba’t ibang grupo na handang tumulong sa kanilang kapwa. Ilan sa mga sumuporta sa proyekto ni LordCM ay ang Jerusalem Filipino Community, ilang miyembro ng CFC Tel Aviv, at FOWWA Haifa, ganun din ang ilang malalapit na kaibigan na hindi nagdalawang isip ng ako ay lumapit sa kanila. Sa sama sama naming pagbabahagi ng aming sarili, nakalikom kami ng sapat na halaga upang mairaos ang Feeding Program sa mismong anibersaryo ng Isang Minutong Smile. Haaaaayyyy..kay sarap ng pakiramdam ng minsan, malaman mong ikaw ang naging dahilan ng pag ngiti ng mga batang ito.
Sa aking isip ay naglalaro ang imahe ng mga batang masaya habang nagsasalu salo sa simple ngunit sapat na pagkain na inilaan para sa kanila. Mga ngiti na nagsasaad ng pag asa, na sa kabila ng kanilang kalagayan, ay may iba pang taong sa kanila ay kakalinga. Mga ngiti na nagbibigay ng pansamantalang ligaya, sa aba nilang katayuan sa buhay. Habang naiisip ko sila, hindi ko mapigilan na mapaluha sa awa, subalit ito pa lamang ang aking magagawa. Pansamatalang lunas sa kanilang kahirapan. Alam kong darating ang araw at dadami pa ang mga taong susuporta at tutulong sa kanila hanggang sa tuluyan na silang makaahon sa kahirapan.
From : Admin of Fil Mo DHA Group
Naganap ang Feeding Program sa mismong araw kung kailan ipinagdiriwang ang SMILE Day, December 8, 2011, sa isang school kung saan ako, ang aking mga kapatid at ang dalawa kong anak ay nag-aral ng elementarya, sa Nellie E. Brown Elementary School, West Bajac-Bajac Olongapo City.
Sa tulong ng Fil Mo DHA o Filipino Modern Day Heroes Association, at sa pagbibigay oportunidad ni Kagawad Melissa Carabeo ng Baranggay West Bajac-Bajac na makatulong ang Isang Minutong SMILE sa proyektong ito, naging matagumpay ang unang Feeding Program sa school kung saan ako at ang aking mga mahal sa buhay ay nag-aral.
Kaya sa inyo, Maraming-maraming salamat sa walang sawang pagtulong upang kahit papaano’y makapagpangiti tayo ng mga bata nitong darating na Kapaskuhan…
Ang susunod na Feeding Program, ay magaganap nitong darating na December 12 at 14 sa kaparehas na eskwelahan, ito ay upang magkaruon ng resulta ang pagpapakain at pagbibigay ng bitamina sa mga bata na mas nangangailangan…
Muli Maraming Salamat sa Inyo…
At para sa mga gustong maghatid ng tulong upang ang Isang Minutong SMILE ay maging Isang Oras o sana Isang Taong SMILE, naririto lang po kami naghihintay sa inyo. Click mo lang to…
Tags: Feeding Program • project smile
Zyra
More power sa isang minutong smile
Yey!
LordCM Post author
salamat sa lahat, Zyra
Zen
Wow.. Mabuhay ang Isang Minutong Smile! Let us be happy that we can share what we have. ♥
LordCM Post author
lapit na ung sa daycare, Zen
Pingback: Project SMILE : Feeding Program – NEBES, Olongapo City – Dec 8, 2011 | Isang Minutong SMILE